Martes, Pebrero 28, 2012

BAKIT AKO PA?


(Narativ Diskors)
       Nang ako’y maliit pa, marami na akong gusto sa buhay. Nasa elementarya pa lang ako, pangarap ko nang maging mang-aawit o ‘di kaya’y maging abogado. Sabi ng lola ko, bagay daw sa akin ang maging abogado. Sapagkat matalino raw ako sa klase. Tama nga naman ang lola ko, samakatuwid honor student ako mula sa unang baiting hanggang ako ay nakapagtapos sa elementarya. Pero hindi ako sigurado sa tatahakin kong buhay kapag ako ay malaki na.Kung mang-aawit ba ako o maging abogado? Iyan ang hindi tiyak.
Lumipas ang mga araw, buwan at taon, hindi ko na namalayan ang mabilis na pagtakbo ng panahon. Biruin mo, parang kailan lang maliit pa ako noon sa elementarya at tumatahak na naman ako sa sekondaryang paaralan. Unang taon, ikalawang taon at ikatlong taon, kay dali ng taon ko sa hayskul. Ngunit meron akong napansin na parang hindi sumasabay sa bilis ng pagbabago ng aking buhay. Noon, hindi ko lang ito pinapansin. Akala ko kasi magbabago lang ito kapag ako ay nakapagtapos na sa hayskul. Natapos ko na lang ang ikaapat na taon, hindi ko pa rin nakita ang pagbabago. At ang inaasam ko na pagbabagong ito ay unti-unting humihila sa akin pababa. Simula na ang unti-unting pagkawala ng tiwala ko sa sarili. Tila nadarama ko sa kaibuturan ng puso ko na kulang ako.

       "Gee, bakit parang hindi ka yata tumatangkad?" pabirong puna ng aking mga kaklase. Ito ang tanong ng mga tao kapag nalaman nilang 4’9 lang ako at patapos na ang teenage years ko. Tinatawanan ko lang ito, pero sa puso’t isipan ko, kumukurot ito sa aking pagkatao. Lalo na’t papasok na ako sa kolehiyo, parang bata pa rin akong tingnan. "Pansin ko nga rin, sa ating magkakapatid, ikaw lang ang pandak!" pabulalas na sabi ng aking Kuya. Iyan rin ang kumikintal na katanungan sa aking isipan. Bakit ako pa? "Paano na ang pangarap kong maging singer? Hindi kaaya-aya sa isang singer ang pandak. O ‘di kaya’y lawyer na pandak! Ang pangit namang tingnan. Tiyak na hindi ako rerespetuhin lalo na’t sa liit kong ito, maiisip talaga ng iba na ako ay bata pa," dagdag ko sa ‘di mabuti kong pag-iisip.

       Hindi lingid sa aking kaalaman na ang pag-iisip kong ito ay magdudulot lamang ng kasamaan sa aking pananaw sa kinabukasan. At dumating ang isang pagkakataon, tila ako ay tinawag ng Diyos na magtrabaho para sa Kanya. Bakasyon iyon sa taong 2010 buwan ng Mayo, ako ay sumali at nagtrabaho bilang Literature Evangelist (LE). Ang trabaho ng isang LE ay naglilibot kahit saan, kumakatok sa mga pintuan ng mga tahanan habang dala-dala ang mga selyong libro ng Diyos tungkol sa pag-ibig, pamilya, kalusugan, propesiya, paniniwala at iba pa. Dahil sa trabahong ito marami akong nakilala at naging kaibigan. Napagtanto ko na mas masahol pa ang mga problemang dinaranas ng ibang tao kaysa sa akin. Hindi pa nga kumakalahati ang bigat na pinapasan nila kaysa sa akin. Ang aking tangkad lang ang pinobroblema ko, sa kanila ang kabuuan ng buhay nila ang kanilang pinoproblema. May kasamahan nga ako sa trabaho, sobrang taas niya, 6 na talampakan, pero hindi naman buo ang kaniyang pamilya. May isa pa, matangkad siya kaysa sa akin, pero may taning naman ang kaniyang buhay. Ang laki ng pasasalamat ko sa Puong Maykapal na malakas at malusog ako, hindi katulad ng iba. At lalung-lalo na, may kumpleto at masayahin akong pamilya na malapit sa Diyos, hindi katulad ng iba. Dito ko napagtanto na, kung akala mo pasan mo na ang buong mundo, may iba pa palang tao na mas karapat-dapat na mag-isip ng ganito. Pero natutunan ko na walang ibinibigay na pagsubok ang Diyos na hindi natin makakaya.

       Ang karanasan ko sa buhay ay muling nagpatibay sa akin. Hanggang ako ay nakapasa sa prestihiyosong unibersidad ng Cebu Normal, ang kabuwayan ko sa aking layog ay unti-unting nawawaglit sa aking isipan. "Totoo talaga ang kasabihang, ‘Small but terrible’," pagkamanghang sabi ng aking propesor sa maganda kong presentasyon sa klase. Hindi man matupad ang kahilingan kong tumangkad, mas ipinagdarasal ko ang pagtaas at paglawak ng aking pananalig sa Diyos. Dahil kung ang Diyos ang uunahin mo, tiyak na makukuntento ka na sa iyong buhay. Mas dapat nating isipin at tanungin ang ating sarili, na sa pamumuhay ko dito sa mundo, may mabuti ba akong nagawa sa aking kapwa tao? Hindi puro sariling kagalakan?

       Mas naiintindihan ko na ngayon ang buhay, lalo na’t may patnubay ng Maykapal. Bilang isa sa mga kabataan sa ating lipunan na may maraming pinagdaraanan, dapat atupagin muna ang kagalingan bilang isang kapaki-pakinabang na nilalang sa mundo. Nakasaad sa 1 Timothy 4:12 "Huwag hayaan ang mga tao na abain ang iyon kabataan, ngunit maging isang halimbawa sa iyong paniniwala, sa salita, sa pag-uusap, sa kawanggawa, sa espiritu, sa pananampalataya at sa kadalisayan."

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento