Miyerkules, Hunyo 22, 2011

Ang Aking Pagkatao

 Bahaghari
                


               
        Ang bahaghari ay binubuo ng iba't ibang kulay. Ito ay binubuo ng pitong klaseng kulay: pula, kahel, dilaw, berde, asul, anyil at lila. Ang bahaghari ay isang optical at meteorolohikong kababalaghan na nagiging sanhi ng isang espektro ng liwanag na lumilitaw sa kalangitan kapag ang araw ay kumikislap sa mga maliliit na patak ng kahalumigmigan sa atmospera ng daigdig. Ang anyo nito ay mala-arko na binubuo ng maraming kulay. Ang bahaghari ay dulot ng sikat ng araw na laging lilitaw sa seksyon ng kalangitan direktang kabaligtaran ng araw. Ito ay kadalasang nakikita pagkatapos tumila ang isang malakas o mahinang ulan. Isa itong pambihirang penomena na umaaliw sa ating mga mata at nagbibigay ngiti sa ating mga puso. Hindi man natin ito lubusang batid, kalaunan mapupuna natin ang ligayang hatid nito na nagpapaganda ng ating araw. Samakatuwid, ang bahaghari ay isang bagay na sadyang gawa ng Panginoon upang makita ng tao ang ganda ng buhay pagkatapos ng unos.
          Ang aking pagkatao ay maihahalintulad sa isang bahaghari. Hindi ako makukumpleto kapag wala ang pitong kulay ng aking buhay. Ang pitong kulay na ito ay sumisimbolo sa aking maka-Diyos na pamilya. Kulay pula na sumisimbolo ng katatagan at katapangan ng aking Ama. Ang kulay na kahel na ang kahulugan ay ang pagiging matibay at matiisin ng aking Ina. Ang dilaw ay nagpapakahulugan ng karunungan at intelektwal na enerhiya ng aking Kuya. Kulay berde na sumisimbolo ng pagkamayabong at makatao ng aking Ate. Ang kulay asul na ang kahulugan ay katahimikan at kapayapaan ng aking maliit na kapatid na babae. Ang anyil ay nagpapahiwatig ng kalutusan at malalim na paninilay-nilay ng aking bunsong kapatid na lalake. At ang paborito kong kulay na lila na sumisimbolo ng kabunyian at pagiging patas ko sa aking pamilya.
           Bawat kulay ay nakatulong sa paghubog nga aking pagkakakilanlan bilang isang tangi na lalang ng Maykapal. Katulad ng bahaghari, ang aking pagkatao ay makulay. Mahal ko ang paggamit ng mga kulay tulad ng pagdedesenyo, pagsusuot ng mga damit at pagkukuha ng mga litrato ng mga makukulay na bulaklak at sariwang tanawin ng ating kalikasan. Hindi nakakapagtaka na ako'y binansagang "batang rainbow" ng aking mga kaklsase nang ako'y nasa hayskul. Maliban sa pagkahilig ko sa mga kulay, ako ay positibo at masiyahin sa buhay. Tulad ng bahaghari, hindi kumukupas ang kulay at ligayang handog ko sa mga taong nakapaligid sa akin. Patuloy kong ibinabahagi sa iba ang liwanag na ipinagkaloob Niya sa akin. Kahit gaano kabigat ang papasanin kong suliranin, hangga't alam ko na ang Diyos ang kasangga ko, malalagpasan ko.
           Sa kabuuan, ang bahaghari ay sumasalamin sa makulay ng pagkatao ko. Kulay na hindi lamang sa akin nagmula, kundi kulay na nanggaling din sa ibang tao na ibinahagi nila sa akin. Kaya labis ang aking pagmimithi sa tuwing ako'y nakakakita ng bahaghari. Dahil nakikita ko sa bahaghari ang isa ng babaeng masiyahin, matatag, positibo sa pananaw, mapagmahal at maytakot sa Diyos. Bali-baligtarin mo man ang mundo, subukan man ako ng pagkakataon, mananatiling isang makulay at mapagbigay-loob na bahaghari pa rin ako.